Namulat ang aming mga isipan nang pumunta kami sa isang mahirap na lugar sa bansang Kenya noong 2015. Kasama ko noon ang mga kapwa ko sumasampalataya kay Jesus. Bumisita kami sa isang eskuwelahan kung saan madumi ang sahig at kalawangin ang dingding na yari sa metal. Sa kabila ng ganoong paligid, nangibabaw ang gurong si Brilliant.
Bagay na bagay kay Brilliant ang kanyang pangalan dahil nagmistula siyang ilaw sa lugar na iyon. Punong-puno siya ng kagalakan at ng determinasyon na tuparin ang kanyang misyon. Suot ang makulay niyang damit, tila nagliliwanag siya sa pagiging maaliwalas ng kanyang mukha at sa ipinakita niyang kagalakan habang tinuturuan at binibigyan ng lakas ng loob ang kanyang mga estudyante.
Ang ipinakitang iyon ni Brilliant ang nais ni Apostol Pablo na gawin ng mga mananampalataya sa Filipos. Sinabi niya na kailangang magsilbi silang ilaw na nagliliwanag sa mga taong nasa kadiliman pa (FILIPOS 2:15). Ganoon din ang dapat nating gawin dahil kailangan ng ilaw saan mang lugar. Magagawa nating magliwanag sa pamamagitan ng Dios na siyang nagbibigay sa atin ng pagnanais at kakayahang masunod ang Kanyang kalooban (TAL. 13).
Kasama tayong mga mananampalataya sa panahon ngayon sa sinasabihan ni Jesus na, “Kayo ang nagsisilbing ilaw sa mundo...Pagliwanagin ninyo ang inyong ilaw sa mga tao, upang makita nila ang mabubuting gawa ninyo at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit (MATEO 5:14,16).