Ang Swiss na si Philippe ay gumagawa ng mga relo. Ipinaliwanag niya sa akin kung paano niya masusing hinihiwalay, nililinis at muling pinagsasama-sama ang maliliit na bahagi nito. Ipinakita niya rin sa akin ang pinakamahalagang bahagi ng isang relo, ito ay ang tinatawag na mainspring. Sinabi ni Philippe na kung wala ito, hindi gagana ang kahit na anong relo.
Tinatalakay naman sa Aklat ng Hebreo ang tungkol sa kung paanong ang langit at lupa ay nilikha ng Dios sa pamamagitan ni Jesus. Dahil dito, lubos na nagpupuri ang manunulat ng aklat na ito kay Jesus. Kung paanong napakadetalyado ng pagkakagawa sa isang relo, napakadetalyado rin ng pagkakalikha sa ating mundo. Si Jesus ang gumawa ng bawat detalye sa sanlibutang ito (HEBREO 1:2). Nilikha Niya ang lahat, ang ating napakalawak na solar system hanggang sa ating magkakaibang fingerprint.
Si Jesus din ang maituturing na mainspring dahil sa pamamagitan Niya, naisasagawa ng bawat nilikha kung ano ang itinakdang gawain nito. Siya rin ang nag-iingat sa lahat ng bagay sa mundo sa pamamagitan ng makapangyarihan Niyang salita (TAL. 3). Dahil kay Jesus, nagkakalakip-lakip ang lahat.
Lagi nating alalahanin na nananatiling nasa kaayusan ang lahat dahil sa Panginoong Jesu-Cristo (COLOSAS 1:17). Ito nawa ay maging kagalakan para sa atin. At buong puso nawa natin Siyang papurihan dahil Siya ang patuloy na nagkakaloob ng ating mga pangangailangan.