Ang pinakamagandang regalo na natanggap ko mula sa kaibigan kong si Barbara ay ang Biblia. Sinabi niya sa akin, “Mas lalo kang mapapalapit sa Dios kung maglalaan ka ng oras sa Kanya sa bawat araw sa pamamagitan ng pagbabasa ng Biblia, pananalangin, pagtitiwala at pagsunod sa Kanya.” Nagbago ang aking buhay simula nang hikayatin ako ni Barbara na mas kilalanin ang Dios.
Naalala ko si Apostol Felipe kay Barbara. Pagkatapos sabihin ni Jesus kay Felipe na sumunod sa Kanya (JUAN 1:43), agad na sinabihan ni Felipe ang kaibigang si Natanael na si Jesus ang “taong tinutukoy ni Moises sa Kautusan, at maging sa mga isinulat ng mga propeta” (TAL. 45). Nang mag-alinlangan si Natanael, hindi nakipagtalo sa kanya si Felipe. Hinikayat lang ni Felipe si Natanael na harapin si Jesus upang makilala niya. Sinabi ni Felipe, “Halika at tingnan mo” (TAL. 46).
Lubos sigurong natuwa si Felipe nang ihayag mismo ni Natanael na si Jesus ang Anak ng Dios at hari ng Israel (TAL. 49). Isang pagpapala para kay Felipe na malamang hindi na lingid kay Natanael ang mga higit na magagandang bagay na ipinangako ni Jesus na masasaksihan nila (TAL. 50-51).
Ang Banal na Espiritu ang mananahan sa lahat ng sasampalataya kay Jesus at Siya ang tutulong sa atin upang mas makilala natin ang Dios. Tutulungan din Niya tayo na hikayatin ang iba na makilala at maranasan ang Dios sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Ang pag-anyaya sa iba na kilalanin si Jesus ay napakagandang regalo na maibibigay at matatanggap ng sinuman.