Minsan, kinailangan akong isugod sa ospital. Bago maisara ang pinto ng ambulansya, tinawag ko ang aking anak. Kausap niya noon sa telepono ang aking asawa. Sinabi ko sa kanya, “Pakisabi sa nanay mo na mahal na mahal ko siya.”
Dahil maaaring iyon na ang huling sandali ng aking buhay, gusto kong ipaalam sa asawa ko kung gaano ko siya kamahal. Iyon ang pinakaimportante sa akin nang mga oras na iyon.
Noong mga huling sandali naman ni Jesus dito sa mundo kung saan lubha Siyang pinahirapan, hindi Niya lang basta sinabi sa atin na mahal Niya tayo, pinatunayan Niya ito. Sinabi ni Jesus nang ipinako Siya ng mga sundalong nanuya sa Kanya, “Ama, patawarin Mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (LUCAS 23:34). Binigyan Niya rin ng pag-asa ang kriminal na nakapakong kasama Niya, “Ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso” (TAL. 43). Nang makita naman ni Jesus ang Kanyang ina na nakatayo sa tabi ng minamahal Niyang tagasunod na si Juan, sinabi Niya, “Babae, ituring mo siyang anak.” At sinabi naman Niya kay Juan, “Ituring mo siyang ina” (JUAN 19:26-27). At bago Siya tuluyang malagutan ng hininga, ipinakita Niya ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kanyang Ama sa Langit, “Ama, ipinagkakatiwala Ko sa Inyo ang Aking espiritu!” (LUCAS 23:46).
Hinayaan ni Jesus na mapako sa krus bilang pagsunod sa Dios at upang ipakita ang Kanyang lubos na pagmamahal sa atin. Ipinadama Niya ito sa atin hanggang sa huling sandali.