Madilim at mapanglaw ang araw na iyon sa labas ng lungsod ng Jerusalem. Makikitang nakapako sa krus ang Lalaking nagkaroon ng maraming tagasunod sa loob ng tatlong taon. Kahiya-hiya ang Kanyang sinapit at kitang-kita na lubos siyang pinahirapan. Maririnig naman ang pagtangis ng mga nagmamahal sa Kanya. At natapos ang Kanyang labis-labis na pahihirap nang sumigaw Siya, “Tapos na!” (MATEO 27:50; JUAN 19:30).
Sa pagkakataon ding iyon, narinig ang pagkahati ng tela sa templo. Isa itong himala dahil kusang nahati mula itaas hanggang sa ibaba ang makapal na kurtinang ito na naghahati sa Banal na Lugar at Pinakabanal na Lugar sa templo (MATEO 27:51).
Ang nahating kurtina ang sumisimbolo sa katotohanan na ang kamatayan ni Jesus sa krus ang naging daan para makalapit tayo sa Dios. Inialay ni Jesus ang Kanyang sarili at dumanak ang Kanyang dugo bilang huling handog, ang tanging handog na sapat (HEBREO 10:10). Sa gayon, ang lahat ng sasampalataya sa Kanya ay makakatanggap ng kapatawaran at magkakaroon ng magandang relasyon sa Dios (ROMA 5:6-11).
Sa gitna ng kadiliman na bumalot sa mundo noong namatay si Jesus, natanggap natin ang pinakamagandang balita. Binuksan ni Jesus ang daan upang maligtas tayo sa kaparusahan sa ating mga kasalanan at maranasan magpakailanman ang magandang ugnayan sa Dios (HEBREO 10:19-22). Salamat sa mensaheng dala ng nahating tabing.