Minsan, nakatanggap ako ng hindi magandang balita tungkol sa aking ama. Sumakit ang kanyang dibdib dahil may nakabara pala sa ugat ng kanyang puso. Dahil dito, kailangan siyang operahan. Nag-aalala ang tatay ko noon pero dahil ooperahan siya sa mismong Araw ng mga Puso, gumaan ang kanyang pakiramdam. Sabi niya, “Magkakaroon ako ng bagong puso sa Araw ng mga Puso!” At yun nga ang nangyari. Naging maayos ang kanyang operasyon at muling dumaloy ang dugo sa kanyang bagong puso.
Naging paalala sa akin ang operasyong iyon ng tatay ko na binibigyan din tayo ng Dios ng bagong buhay. Bago Niya tayo bigyan ng bagong buhay, kailangan munang maalis ang kasalanan na siyang bumabara o nagiging hadlang sa ating relasyon sa Dios.
Sa Ezekiel 36:26, ipinangako ng Dios sa mga Israelita na bibigyan Niya sila ng bagong puso. Sinabi Niya sa kanila na ang matitigas nilang puso ay magiging pusong masunurin. Ipinangako Niya rin na lilinisin Niya sila sa lahat ng kanilang karumihan (TAL. 25) at ibibigay sa kanila ang Kanyang Espiritu (TAL. 27). Ang Dios ang makapagbibigay ng bagong simula para sa mga nawawalan ng pag-asa.
Lubos na naisakatuparan ang pangakong iyon ng Dios nang mamatay at muling mabuhay si Jesus. Kung magtitiwala tayo kay Jesus, magkakaroon tayo ng bagong puso, isang puso na nilinis mula sa ating mga kasalanan. Mapupuspos tayo ng Kanyang Espiritu at mamumuhay sa bagong buhay (ROMA 6:4).