Ang Experience Project ay isang social networking site noon kung saan nagpapadala ang mga miyembro ng mga kuwento tungkol sa kanilang mapapait na karanasan. Habang binabasa ko ang mga ito, nakita ko ang matinding pagnanais ng bawat isa sa atin na magkaroon ng mga makakakita at makakaunawa sa ating mga pinagdaraanan.
Naranasan iyon ng aliping si Hagar noong hindi mabuti ang kalagayan niya. Mababasa natin ang kanyang kuwento sa aklat ng Genesis. Nang hindi magkaanak ang amo niyang si Sarai, hinikayat ni Sarai ang kanyang asawang si Abram na sumiping kay Hagar upang magkaroon sila ng anak sa pamamagitan ni Hagar. Nabuntis nga si Hagar ngunit pinagmalupitan siya ni Sarai. Dahil doon, lumayas si Hagar at nagpunta sa disyerto (16:1-6).
Hindi lingid sa Dios ang mahirap na kalagayan ni Hagar sa disyerto. Kinausap ng anghel si Hagar at pinalakas nito ang kanyang loob. Tinawag ni Hagar ang Panginoon na “Dios na Nakakakita” (7-13). Pinupuri niya ang Dios na nakikita ang lahat at lubos na nakakaunawa. Ganoon din si Jesus, “Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, naawa Siya sa kanila, dahil napakarami ng kanilang mga problema pero wala man lang tumutulong sa kanila” (MATEO 9:36).
Ang Dios na nakakita at nakaunawa sa kalagayan ni Hagar ang siya ring nakakakita at nakakaunawa sa atin (HEBREO 4:15-16). Gumagaan ang mga pagsubok na ating nararanasan dahil sa Kanya.