Minsan, nagtipon-tipon ang ilang grupo ng mga kabataang sumasampalataya kay Jesus para pagbulayan ang sinasabi sa Filipos 2:3-4, “Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil sa makasariling hangarin o sa paghahangad na maitaas ang sarili. Sa halip, magpakumbaba kayo sa isa't isa at ituring na mas mabuti ang iba kaysa sa inyo. Huwag lang ang sarili ninyong kapakanan ang isipin n'yo kundi ang kapakanan din ng iba.” Nagtanong sila sa bawat isa base sa mga talatang iyon, “Gaano mo kadalas isipin ang kapakanan ng ibang tao?” at “Maituturing mo ba na mapagpakumbaba ka o mapagmataas? Bakit?”
Natuwa ako sa pagiging totoo nila. Sang-ayon sila na madali naman nilang tanggapin ang mga kahinaan nila pero mahirap ang magbago at naising magbago. Sinabi pa ng isa, “Nasa dugo ko na ang pagiging makasarili.”
Magagawa lang nating maiwasan ang pagiging makasarili at isipin ang kapakanan ng iba sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin. Ipinaalala ni Pablo sa mga taga-Filipos na alalahanin ang mga ginawa na ng Dios para sa kanila. Buong puso Niya silang inaring mga anak, minahal at ibinigay ang Banal na Espiritu upang tulungan sila (FILIPOS 2:1-2). Ang pinakamagandang tugon sa kagandahang loob na ito ng Dios ay ang pagpapakumbaba.
Tunay na ang Dios ang dahilan para tayo’y magbago at tanging Siya lamang ang makakapagpabago sa atin. Magagawa nating magpakumbaba at mas isipin ang iba dahil ang Dios ang nagbibigay sa atin ng pagnanais at kakayahang masunod ang kalooban Niya (TAL. 13).