Minsan, tinanong ako ng estudyanteng si Arman na taga-Iran kung ano ang pangalan ko. Pagkatapos kong sabihin na Estera ang aking pangalan, lumiwanag ang kanyang mukha at sinabing parehas ang pangalan namin sa wikang Farsi. Iyon ang naging daan para mas makapag-usap pa kami. Sinabi ko sa kanya na ipinangalan ako kay Reyna Ester na matatagpuan sa Biblia. Ikinuwento ko rin sa kanya ang tungkol kay Jesus. Dahil sa pag-uusap naming iyon, nagsimula nang dumalo ng lingguhang pag-aaral ng Salita ng Dios si Arman para mas makilala pa si Jesus.
Ganoon din ang nangyari kay Felipe na isa sa mga tagasunod ni Jesus. Sa pangunguna ng Banal na Espiritu, tinanong ni Felipe ang isang opisyal na taga Etiopia kung naiintindihan ba nito ang binabasa niya mula sa Aklat ni Isaias (GAWA 8:30).
Inanyayahan si Felipe ng opisyal na umupo at buong pagpapakumbaba itong nakinig sa kanya. Ginamit ni Felipe ang pagkakataong iyon. Ipinaliwanag ni Felipe sa kanya ang Magandang Balita tungkol kay Jesus (TAL. 35).
Tulad ni Felipe, maaari din nating maipahayag sa iba ang ating natanggap na Magandang Balita tungkol kay Jesus. Gamitin natin ang bawat pagkakataon na maipahayag ito sa mga taong nakakasalamuha natin. Hayaan natin na gabayan tayo ng Banal na Espiritu sa ating pagpapahayag ng pag-asa at kagalakan na maaari nilang makamtan kay Jesus.