Nabilanggo noon si Hae Woo sa isang labor camp sa North Korea dahil tinangka niyang tumakas at tumawid sa hangganan ng China. Napakahirap ng dinanas niya sa lugar na iyon. Malupit ang mga guwardiya at pinagtrabaho siya nang mabigat. Natutulog din siya sa napakalamig na sahig. Sa kabila ng lahat ng iyon, tinulungan siya ng Dios sa bawat araw at ipinakita sa kanya ng Dios kung kanino niya maaaring ipahayag ang tungkol sa kanyang pananampalataya.
Nang mapalaya na siya at naninirahan na sa South Korea, sinabi niya na parang naranasan niya ang binabanggit sa Salmo 23. Kahit na nabilanggo siya sa isang madilim na libis, si Jesus ang nagsilbing kanyang Pastol na nagbigay sa kanya ng kapayapaan. Ayon kay Hae, kahit na pakiramdam niya’y nasa pinakamadilim na libis siya, hindi siya natakot. Ang Dios ang nagpanatag ng kanyang kalooban sa araw-araw. Naranasan niya ang kabutihan at pagmamahal ng Dios bilang kanyang Ama sa nakakatakot na lugar na iyon. Alam niya na makakasama niya rin ang Dios magpakailanman.
Magsilbi nawang inspirasyon sa atin ang kuwento ni Hae. Sa kabila ng mga naranasan niyang paghihirap, naramdaman Niya ang pagmamahal at paggabay ng Dios. Hindi siya pinabayaan ng Dios at ang Dios ang nag-alis ng kanyang takot.
Kung susunod tayo kay Jesus, tutulungan Niya tayo sa mga mahihirap na sitwasyon. Hindi tayo dapat matakot dahil darating ang panahon na titira tayo sa tahanan ng Panginoon magpakailanman (23:6).