Si Jerry Kramer ay isang magaling na manlalaro ng football. 45 taon ang ginugol niya sa pagiging atleta. Marami na siyang natanggap na parangal pero ang pinakamataas na parangal na iginagawad para sa isang manlalaro ng football ay naging mailap para sa kanya. Sampung beses na siyang naging nominado sa parangal na iyon pero hindi pa rin naigawad sa kanya. Gayon pa man, sa kabila ng ilang beses na pagkabigo, sinabi ni Kramer na sa dami ng naibigay o naidulot sa kanyang buhay ng National Football League, isang kahangalan kung magagalit siya dahil lang sa isang parangal na hindi niya makuha-kuha.
Kung sakaling sa iba ito mangyari, marahil ay nagtanim na sila ng sama ng loob. Pero hindi ganoon ang naging tugon ni Kramer. Hindi niya pinairal ang inggit sa ibang manlalarong tumanggap ng ganoong parangal. Nawa’y tulad ni Kramer, iwasan natin ang pagkainggit dahil tulad ito ng “kanser sa buto” (KAWIKAAN 14:30).
Kung masyado tayong nakatingin sa kung ano ang wala tayo at hindi na natin napapansin ang mga bagay na mayroon tayo, magiging mailap para sa atin ang kapayapaan na mula sa Dios.
Noong Pebrero 2018, sa ikalabing-isang nominasyon, sa wakas ay natanggap na ni Kramer ang pinakamimithi niyang parangal. Hindi man natin makamit ang lahat ng minimithi natin, magiging payapa ang ating isipan kung itutuon natin ang ating paningin sa napakaraming bagay na ipinagkaloob ng Dios sa atin. Mararanasan natin ang kapayapaan na mula sa Dios kahit hindi natin matamasa ang mga bagay na gusto natin.