Sa isinulat na libro ni Os Guinness na pinamagatang The Call, ikinuwento niya ang pangyayari kung saan ang dating prime minister na si Winston Churchill ay nakaupo sa tabi ng isang fireplace. Habang pinagmamasdan ni Winston ang mga natutupok na sanga ng puno, sumasagitsit at luma-lagutok ang mga ito. Sinabi niya, “Alam ko ang pakiramdam ng natutupok.
Tila natutupok tayo sa tuwing nakakaranas tayo ng paghihirap, kabiguan at kapahamakan na bunga ng sarili nating pagkakamali. Unti-unting nawawala ang ating kagalakan at kapayapaan dahil sa mga ito. Nang maranasan ni David ang paghihirap dulot ng nagawa niyang pagkakasala, sinabi niya, “Noong hindi ko pa ipinagtatapat ang aking mga kasalanan, buong araw ako’y nanlulumo at nanghihina ang aking katawan...Nawalan na ako ng lakas, tulad ng natuyong tubig sa panahon ng tag-araw” (SALMO 32:3-4). Sino ang lalapitan natin sa mga ganitong sitwasyon?
Nakaranas din ng paghihirap si Apostol Pablo sa kanyang pangangaral. Sinabi niya, “Sa aming pangangaral, ginigipit kami sa lahat ng paraan, pero hindi kami nalulupig. Kung minsan kami ay naguguluhan, pero hindi kami nawawalan ng pag-asa. Maraming umuusig sa amin, ngunit hindi kami pinapabayaan ng Dios. Kung minsa'y sinasaktan kami, ngunit hindi tuluyang napapatay” (2 CORINTO 4:8-9).
Kung mananangan tayo kay Jesus na ating Pastol, bibigyan Niya tayo ng panibagong lakas at patnubay (SALMO 23:3). Nangako si Jesus na kasama natin Siya sa bawat landas na ating tatahakin (HEBREO 13:5).