Si Michael ay sumasampalataya kay Jesus. Nang magkaroon ng malubhang sakit ang asawa niya na hindi pa mananampalataya, nais ni Michael na maranasan din nito ang kapayapaang mayroon siya kay Cristo. Pero kahit ipinahayag na ni Michael sa kanyang asawa ang tungkol kay Jesus, hindi ito naging interesado. Minsan, may nakitang libro si Michael na may pamagat na, God, Are You There? Binili niya ito kahit hindi siya sigurado kung ano ang magiging tugon ng kanyang asawa sa libro. Nagulat siya nang tanggapin ito ng kanyang asawa.
Maganda ang naging epekto ng libro sa asawa ni Michael. Nagsimula na siyang magbasa ng Biblia dahil dito. Makaraan ang dalawang linggo, pumanaw siya. At sa huling sandali ng kanyang buhay ay nagkaroon siya ng kapayapaan at katiyakan na lagi niyang kasama ang Dios.
Nang sabihan naman ng Dios si Moises na pangunahan ang mga Israelita sa pag-alis sa Egipto, hindi ipinangako ng Dios na bibigyan Niya si Moises ng kapangyarihan. Sa halip, ipinangako ng Dios na sasamahan Niya si Moises (EXODUS 3:12). Bago naman ipako si Jesus sa krus, ipinangako Niya sa Kanyang mga alagad na sasamahan Niya sila sa pamamagitan ng Banal na Espiritu (JUAN 15:26).
Maraming bagay ang maaaring ibigay sa atin ng Dios para tulungan tayong mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa buhay tulad ng materyal na bagay, kagalingan o agarang solusyon sa ating mga problema. Pero ang pinakamagandang maibibigay sa atin ng Dios ay ang Kanyang sarili. Ang lubos na makapagpapalakas ng ating loob ay ang katotohanang lagi nating kasama ang Dios anuman ang mangyari. Hindi Niya tayo iiwan o pababayaan man.