Sumisikat ba ang araw sa may silangan? Kulay asul ba ang langit? Maalat ba ang dagat? Ang atomic weight ba ng cobalt ay 58.9? Maaaring ang isang dalubhasa sa siyensa lamang ang makakasagot sa huling tanong. Para namang nanunuya ang pagkakatanong sa mga unang tanong dahil kitang-kita naman na “oo” ang sagot sa mga ito.
Maaaring maisip natin na may panunuya rin ang tanong ni Jesus sa isang lalaking may sakit, “Gusto mo bang gumaling?” (JUAN 5:6). Tiyak naman na “oo” ang sagot sa tanong na ito ng lalaki dahil 38 taon na itong gustong gumaling. Pero hindi nanunuya si Jesus sa Kanyang pagtatanong. Malayo ito sa katotohanan. Sa tuwing magsasalita si Jesus, puno Siya ng kahabagan at ang layunin Niya sa Kanyang mga tanong ay laging para sa kabutihan natin.
Alam ni Jesus na nais gumaling ng lalaki. Alam din Niya na marahil ay matagal na panahon bago may magpakita ng malasakit sa lalaki. Bago Niya ito pagalingin, nais ni Jesus na muling magkaroon ng pag-asa sa buhay ang lalaking iyon.
Ginawa ito ni Jesus sa pamamagitan ng pagtatanong ng tanong na kitang-kita naman ang sagot at sinabing, “Tumayo ka, buhatin mo ang higaan mo at lumakad!” (TAL. 8). Tulad ng lalaki, may mga pagkakataon na nawawalan din tayo ng pag-asa. Gayon pa man, nagmamalasakit sa atin si Jesus. Alam Niya ang ating kalagayan at nahahabag Siya sa atin. Nais Niya na magkaroon tayong muli ng pag-asa at magtiwala sa Kanya.