Noong bata pa ako, masaya ako kapag magkahawak kami ng kamay ng tatay ko. Sa kultura ng mga taga Ghana, tanda ng tunay na pagkakaibigan ang paghahawak-kamay. Talagang pinapahalagahan ko ang samahan namin ng tatay ko. Sa tuwing nalulungkot ako, pinapagaan niya ang aking loob.
Tinawag ni Jesus na kaibigan ang Kanyang mga tagasunod at ipinakita sa kanila ang mga tanda ng Kanyang pakikipagkaibigan. Sinabi Niya, “Mahal Ko kayo gaya ng pagmamahal sa Akin ng Ama” (JUAN 15:9). Inalay ni Jesus maging ang Kanyang buhay para sa kanila at ipinaalam sa kanila ang lahat ng sinabi sa Kanya ng Kanyang Ama. Binigyan Niya rin sila ng pagkakataon na maging kabahagi sa Kanyang misyon (TAL. 13, 15-16).
Tulad naming mag-ama, kasama natin sa paglakad si Jesus. Dinidinig Niya ang ating mga hinaing at ninanais ng ating puso. Kapag malungkot tayo, sinasamahan tayo ng ating Panginoon at Kaibigan na si Jesus.
Mas lalo namang tumatatag ang pagkakaibigan natin kay Jesus kung mamahalin natin ang bawat isa at susundin ang Kanyang mga utos (TAL. 10, 17). At kapag sinusunod natin Siya, “mamunga [tayo] ng mga bungang mananatili” (TAL. 16). Maaasahan natin ang ating kaibigang si Jesus sa paglakad sa mga lugar na mapanganib. Ito ang tanda ng Kanyang pakikipagkaibigan sa atin.