Hindi ko maiwasang mamangha sa isang uri ng ‘di-pangkaraniwang jellyfish habang pinapanood ko ang isang programa sa National Geographic. Umiilaw ang katawan nito na may iba’t ibang kulay at tila sumasayaw sa kailaliman ng dagat sa Baja, California. Tinatawag itong Halitrephes maasi jellyfish. Naisip ko kung paano pinili ng Dios na ganoon ang pagkakalikha Niya sa napakagandang jellyfish na iyon. Ang Dios din ang lumikha sa iba pang 2,000 uri ng jellyfish na nadiskubre ng mga siyentipiko noong Oktubre, 2017.
Kahit na kinikilala natin ang Dios bilang Manlilikha, gaano ba natin binibigyang pansin ang katotohanang sinasabi sa unang kabanata ng Genesis? Ang ating kamangha-manghang Dios ang nagdala ng liwanag at buhay sa napakagandang mundo na nilikha Niya. Siya ang nagdisenyo sa “malalaking hayop sa dagat, at ang lahat ng uri ng hayop na nakatira sa tubig, at ang lahat ng uri ng hayop na lumilipad” (GENESIS 1:21).
Napakaliit na bahagi lamang ng mga kahanga-hangang nilikha ng Dios noong pasimula ang nadiskubre ng mga siyentipiko.
Nang likhain ng Dios ang mga tao, hinugis Niya sila sa sinapupunan ng kanilang ina. May layunin Siya sa bawat isa bago pa man tayo bigyan ng hininga (SALMO 139:13-16). Tunay na napakamalikhain ng ating Dios, at isa itong dahilan para magalak tayo. Isa ring kagalakan ang katotohanang tinutulungan Niya tayo kung tayo naman ay may kailangang gawin na kasama Niya at para sa Kanyang kaluwalhatian.