Dalawang buwan pa lang ang pinakabata kong apo pero may napapansin na akong maliliit na pagbabago sa tuwing nakikita ko siya. Minsan, tumingin siya sa akin at ngumiti. Naiyak ako bigla. Hindi ko iyon maintindihan. Marahil, naiyak ako sa saya na may halong pangungulila dahil naalala ko ang mga anak ko noong bata pa sila. Ilang taon na ang nakakalipas pero para bang kahapon lang iyon. May mga pangyayari talaga sa ating buhay na hindi maipaliwanag.
Sa Salmo 103 na isinulat ni Haring David bilang papuring awit sa Dios, binanggit niya kung gaano kabilis lumipas ang mga masasayang pangyayari sa ating buhay. Sinabi niya, “Ang buhay ng tao ay tulad ng damo. Tulad ng bulaklak sa parang, ito’y lumalago. At kapag umiihip ang hangin, ito’y nawawala at hindi na nakikita” (SALMO 103:15-16).
Mabilis na namumukadkad ang mga bulaklak at mabilis din itong malimutan. Gayon pa man, nagbibigay ito ng kasiyahan sa kapaligiran habang ito’y namumukadkad pa. Kahit maikli lang ang buhay ng tao tulad ng mga bulaklak, hindi ito madaling malimutan. At may katiyakan tayo na “ang pag-ibig ng Panginoon ay walang hanggan sa mga may takot sa Kanya” (TAL. 17).
Tulad ng mga bulaklak, may pagkakataon na maaari tayong magalak at yumabong. Magagalak din tayo sa katotohanang hindi madaling kalilimutan ang mga pangyayari sa ating buhay. Hawak ng Dios ang bawat detalye ng ating buhay at mararanasan nating mga anak Niya ang Kanyang walang hanggang pag-ibig magpakailanman.