Minsan, magkasama kaming kumain ng kaibigan kong si Jeff. Nanalangin siya, “Panginoon, salamat po dahil hinahayaan N’yong langhapin namin ang hangin at kainin ang pagkain na mula sa Inyo.” Kamakailan lang ay nawalan ng trabaho si Jeff kaya lubos akong naantig sa taos-puso niyang pagkilala na ang Dios ang nagmamay-ari ng lahat. Naisip ko tuloy kung naiintindihan ko ba talaga na mula sa Dios ang lahat maging ang mga simpleng pangangailangan ko at hinahayaan Niya lang ako na gamitin ang mga ito?
Nang makatanggap si Haring David ng mga regalo mula sa mga Israelita para sa pagtatayo ng templo sa Jerusalem, nanalangin siya. Sinabi niya, “Pero sino po ba ako at ang aking mga mamamayan na makapagbibigay kami ng nag-uumapaw na kaloob gaya nito? Lahat ng bagay ay nagmula sa Inyo, at ibinabalik lamang namin sa Inyo ang ibinigay N'yo sa amin...Pagmamay-ari N'yo ang lahat ng ito!” (1 CRONICA 29:14, 16).
Mababasa naman natin sa Deuteronomio na mula pa rin sa Dios ang kakayahan natin na kumita (8:18). Kung lagi nating iisipin na hiram lang ang lahat ng mayroon tayo, hindi mahirap para sa atin na mawala ang mga ito. Magiging bukas din ang ating mga puso at kamay sa pagbibigay dahil lubos tayong nagpapasalamat sa kabutihang natatanggap natin sa Dios sa bawat araw.
Tunay na mapagbigay ang Dios na kahit ang sarili Niyang Anak ay hindi Niya ipinagkait sa atin (ROMA 8:32). Nawa’y taos-puso tayong magpasalamat sa Dios dahil sa mga pagpapalang natatanggap natin mula sa Kanya, maliit man o malaki ang mga ito.