Naghanda ng isang sorpresa para sa kaarawan ng aking anak ang aming mga kapwa sumasampalataya kay Jesus. Naglagay sila ng maraming lobo sa kanyang Sunday School room at inilagay ang cake sa isang maliit na mesa. Nang buksan ng anak ko ang pinto, sabay-sabay na sumigaw ang lahat, “Maligayang Kaarawan!”
Habang hinahati ko ang cake, lumapit sa akin ang anak ko at saka bumulong, “Nay, bakit mahal nila ‘kong lahat?” Ganoon din ang tanong ko. Kailan lang naman kami dumalo roon pero parang matagal na nila kaming kaibigan dahil sa ganda ng trato nila sa amin.
Ang ipinadama nilang pagmamahal ay nagpapakita ng pag-ibig ng Dios sa atin. Hindi rin natin maintindihan kung bakit mahal tayo ng Dios pero iyon ang totoo at kusang-loob Niya itong ipinadama sa atin. Wala tayong ginawa para maging karapat-dapat sa Kanyang pagmamahal. Sinasabi sa Biblia, “Ang Dios ay pag-ibig” (1 JUAN 4:8).
Ibinuhos ng Dios ang Kanyang pag-ibig sa atin upang maipadama rin natin ito sa iba. Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod, “Magmahalan kayo. Kung paano Ko kayo minamahal, ganoon din dapat ang pagmamahal n'yo sa isa't isa. Kung nagmamahalan kayo, malalaman ng lahat ng tao na mga tagasunod Ko kayo” (JUAN 13:34-35).
Minamahal kami ng aming kapwa mananampalataya dahil ang pag-ibig ng Dios ay nasa kanila. Ito ang nagpapatunay na sumusunod sila sa Dios. Kahit hindi natin lubusang maunawaan ang pagmamahal ng Dios, maipadama nawa natin ito sa ating kapwa. Sa gayon, magiging halimbawa tayo ng Kanyang hindi maipaliwanag na pag-ibig.