Namasyal kami ng aking pamilya sa bansang Roma para doon ipagdiwang ang kapaskuhan. Napakaraming tao sa lugar kung saan kami naroon. Habang sinusubukan naming makalabas mula sa kumpol-kumpol na mga tao upang magpunta sa iba pang mga pasyalan, paulit-ulit kong sinabi sa mga anak ko na maging handa o alerto. Dapat maging alerto sila kung nasaan sila, kung sino ang nasa paligid nila at kung ano ang nangyayari.
Sa panahon ngayon, hindi na ligtas saan mang bahagi ng mundo ka pumunta. Hindi na rin nagiging maingat ang mga tao, mapabata man o matanda. Masyado silang abala sa paggamit ng cellphone kaya hindi na nila napapansin kung ano ang nangyayari sa kanilang paligid.
Nais din ni Apostol Pablo na maging alerto o handa sa anumang sitwasyon ang mga taga-Filipos pero ang layunin niya ay higit pa sa pagiging ligtas sa kapahamakan. Dalangin ni Pablo na lalo pang lumawak ang kanilang pagmamahal sa isa't isa nang may karunungan at pang-unawa. Sa gayon, hindi sila malinlang at mapipili nila ang pinakamabuting gawin sa lahat ng pagkakataon at madatnang malinis at walang kapintasan sa araw ng pagbabalik ni Cristo.
Hangarin niyang mapuspos sila ng mga katangiang ipinagkaloob ni Jesu-Cristo para maparangalan at mapapurihan ang Dios (FILIPOS 1:9-11). Natutuwa ang Dios kung kinikilala natin Siya at patuloy na umaasa sa Kanya. Nawa’y maipadama natin sa ating kapwa ang Kanyang dakilang pag-ibig sa lahat ng sitwasyon.