Lumaki ako sa mga lugar kung saan mainit ang klima. Kaya noong lumipat ako sa malamig na lugar, matagal bago ko matutunan kung paano magmaneho sa daan na may snow. May pagkakataon na kinailangan kong huminto sa pagmamaneho dahil sa kapal ng yelo. Pero makaraan ng maraming taong pagsasanay, naging kampante na ako at hindi na naging maingat. Iyon ang dahilan kung bakit minsa’y dumulas ang aking sasakyan at sumalpok sa poste ng telepono.
Sa kabutihang palad, wala namang nasaktan pero may natutunan akong isang mahalagang aral noong araw na iyon. Natutunan ko na maaari nating ikapahamak ang pagiging kampante. Naging masyado akong kampante noong araw na iyon.
Kailangan din tayong maging alerto at maingat pagdating sa ating pamumuhay bilang sumasampalataya kay Jesus. Nagbigay ng paalala si Apostol Pedro sa mga mananampalataya na maging handa at mag-ingat dahil umaali-aligid si Satanas (1 PEDRO 5:8). Kailangan tayong maging maingat dahil gumagawa si Satanas ng paraan para mahulog tayo sa pagkakasala. Labanan natin ang tukso at maging matatag tayo sa ating pananampalataya (TAL. 9).
Magagawa natin ito sa tulong ng Dios na nangako sa atin na sasamahan tayo sa panahong dumaranas tayo ng paghihirap. Patatatagin at palalakasin Niya tayo (TAL. 10). Sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan, magagawa nating sumunod sa Kanya at matututo tayo kung paano magiging alerto at kung paano lalabanan ang mga tukso.