Mapapanood sa isang video ang isang lalaki na nakaluhod sa tabi ng daan kung saan may nasusunog na mga halaman. Sumesenyas ang lalaki para lumabas ang isang uri ng hayop mula sa nasusunog na halaman. Ano kaya ang naroon? Aso kaya ito? Pagkaraan ng ilang minuto, lumabas ang isang kuneho. Kinuha ng lalaki ang kuneho at saka dinala palayo sa sunog.
Bakit kaya ibinalita pa ang pagliligtas sa kuneho? Ito ay dahil marami ang natutuwa sa pagpapakita ng pagmamalasakit sa mga itinuturing na aba o walang halaga sa paningin ng iba. Masasabing may malaking puso ang mga taong ito na may malasakit sa mga abang tulad ng kuneho.
Sinabi ni Jesus na ang kaharian ng Dios ay tulad ng isang lalaking naghanda ng isang malaking pagdiriwang para sa lahat ng gustong pumunta. Hindi lamang ito para sa may mataas na antas sa lipunan kundi pati ang mga “mahihirap, mga lumpo, mga bulag at mga pilay” (LUCAS 14:21). Salamat sa Dios dahil pinapahalagahan Niya ang mga mahihina at itinuturing na walang halaga, dahil kung hindi, mababalewala lang ako. Sinabi rin ni Pablo, “Pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mahihina upang hiyain ang malalakas. At pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mababa at walang halaga...Kaya walang makakapagmalaki sa harap ng Dios” (1 CORINTO 1:27-29).
Gaano kaya kalaki ang puso ng Dios para iligtas ang isang abang tulad ko? Bilang tugon sa ginawang ito ng Dios, nawa’y paglingkuran ko ang mga itinuturing ng mundo na hindi mahalaga.