Noong bata pa ang apo kong si Jay, niregaluhan siya ng kanyang mga magulang ng isang T-shirt. Isinuot niya iyon agad at tuwang-tuwa siya habang suot iyon. Kinabukasan, tinanong si Jay ng kanyang tatay habang suot-suot pa rin ang T-shirt, “Napapasaya ka ba ng T-shirt na ‘yan?” Sagot naman ni Jay, “Hindi na po masyado hindi po tulad kahapon.”
Ganoon ang nagiging problema pagdating sa materyal na bagay. Wala sa mga ito ang makakapagbigay ng tunay na kaligayahan na inaasam natin. Kahit marami pa tayong pag-aari, maaari pa rin tayong maging malungkot.
Akala ng mundo, magiging masaya tayo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga materyal na bagay tulad ng bagong damit, sasakyan, o cellphone. Pero, kahit gaano pa tayo kasaya kapag nagkaroon tayo nito ngayon, hindi na tayo ganoon kasaya sa susunod na araw. Ito ay dahil sa nilikha tayo ng Dios para sa Kanya. Walang makakapagbigay sa atin ng tunay na kaligayahan kundi Siya lamang.
Nang magutom si Jesus dahil sa pag-aayuno, tinukso Siya ni Satanas na gawing tinapay ang bato para mapawi ang Kanyang gutom. Binanggit ni Jesus kay Satanas ang sinasabi sa Deuteronomio 8:3, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng Dios’” (MATEO 4:4). Ipinaparating dito ni Jesus na bilang mga nilikha Niya na may espiritu, hindi lamang tayo nabubuhay para sa mga materyal na bagay.
Tanging ang Dios lamang ang makakapuno sa lahat ng mga tunay nating pangangailangan.