Ang ama ng aking kaibigan ay nagkaroon ng kanser. Noong nagpapa-chemotheraphy siya, sumampalataya siya kay Jesus. Gumaling naman siya pero ‘di kalaunan ay bumalik ang kanyang kanser at mas malala pa kaysa noong una. Marami ang nabuong tanong sa kanilang isip. Gayon pa man, hinarap nila ito nang may tapat na pagtitiwala sa Dios dahil ang Dios ang gumabay sa kanila noong unang nagkasakit siya.
Hindi natin laging mauunawaan kung bakit tayo dumaranas ng mga pagsubok. Ganoon ang nangyari kay Job, dumanas siya ng mga matitinding pagsubok na hindi niya maunawaan. Pero sa kabila nito, inihayag ni Job na makapangyarihan ang Dios, “Kapag Siya'y nagpabagsak, walang makakapagtayo” (TAL. 14 ABAB) at “nasa Kanya ang kalakasan at ang karunungan” (TAL. 16 ABAB). “Pinalalakas Niya ang mga bansa... pero ibinabagsak din Niya ito at winawasak” (TAL. 23).
Hindi binanggit ni Job ang motibo ng Dios o kung bakit hinahayaan ng Dios na makaranas tayo ng sakit at pagdurusa. Hindi alam ni Job ang sagot pero sa kabila ng lahat, sinabi niya, "Nasa Dios ang karunungan at kalakasan; Kanya ang payo at kaunawaan” (TAL. 13 ABAB).
Hindi man natin maunawaan kung bakit hinahayaan ng Dios na dumanas tayo ng mga pagsubok, maaari tayong magtiwala sa Kanya tulad ng ginawa ng mga magulang ng kaibigan ko. Mahal tayo ng Dios at nasa kamay Niya ang ating buhay (TAL. 10, 1 PEDRO 5:7). Ang karunungan, kapangyarihan at kaunawaan ay nasa Kanya!