May tinatawag na Joke Night ang pamilya ng magasawang sina Greg at Laurie. Habang kumakain, nagbabahagi ang bawat anak nila ng mga joke na nabasa, narinig o naisip nila sa buong nagdaang linggo. Napansin nina Greg at Laurie ang mabuting naidulot ng pagtawa sa kalusugan ng kanilang mga anak at nakapagbigay ito ng lakas ng loob sa mga panahong nakakaranas sila ng problema.
Ayon sa manunulat na si C.S. Lewis, walang makahihigit sa isang tahanan na sama-samang kumakain at nagtatawanan.
Mababasa naman sa Kawikaan ang tungkol sa pagkakaroon ng masayahing puso, “Ang pagiging masayahin ay parang gamot na nakabubuti sa katawan, ngunit ang pagiging malungkutin ay nagpapahina ng katawan” (17:22). Para itong reseta ng gamot na makakapagpagaling sa ating sakit. Hindi ka magbabayad ng mahal pero magdudulot ito ng magandang resulta.
Kailangan nating lahat ang resetang ito na mula sa Biblia. Kung patuloy tayong magiging masayahin, maiiwasan din natin ang pagtatalu-talo. Makakatulong din ito upang maging payapa ang ating puso sa kabila ng mga hindi magagandang pangyayari sa ating buhay. Kapag puno ng tawanan ang isang tahanan, nagiging isa itong lugar kung saan mararamdaman ng bawat isa na minamahal sila.
Kulang ba ang saya sa iyong puso at nais mo na madagdagan ito upang magsilbing mabisang gamot sa iyong espiritu? Makakatulong ang Salita ng Dios upang mas lalong maging masaya ang iyong puso.