Pinupunasan ni Kevin ang kanyang luha habang inaabot ang isang maliit na papel sa asawa kong si Cari. Alam ni Kevin na matagal na naming idinadalangin ang aming anak na babae na manumbalik sa Panginoon. Sinabi niya, “Nakita ang papel na ito na nakaipit sa Biblia ng nanay ko noong kamamatay pa lang niya. Makapagbigay sana ito sa inyo ng lakas ng loob.” Nakasulat sa papel na iyon ang panalangin ng ina ni Kevin para sumampalataya siya kay Jesus.
Sinabi pa ni Kevin, “Mahigit 35 taong nanalangin ang nanay ko para sumampalataya ako kay Jesus. Salamat sa kanya at mananampalataya na ako ngayon.” Tinitigan kami ni Kevin at ngumiti, “Huwag kayong susuko sa pananalangin para sa inyong anak, matagal man bago ito dinggin.”
Naalala ko sa sinabing iyon ni Kevin ang ikinuwento ni Jesus nang ituro Niya ang tungkol sa pananalangin. Ayon sa Lucas 18:1, “Nagkuwento si Jesus sa mga tagasunod Niya upang turuan silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa.”
Ipinakita ni Jesus sa kuwento ang pagkakaiba ng isang “masamang hukom” (TAL. 6) sa ating Ama sa Langit. Tinugon ng masamang hukom ang kahilingan ng isang babae dahil ayaw lamang nitong maistorbong muli pero tumutugon sa panalangin natin ang ating Ama sa Langit dahil lubos Siyang nagmamalasakit sa atin. Nais Niya na lumapit tayo sa Kanya. Hindi tayo dapat mag-alinlangan na manalangin dahil malugod niya itong tatanggapin at diringgin.