Hinuli ng pulis ang isang babae dahil sa paglabag sa batas trapiko. Naiinip kasi siyang maghintay sa pagbaba ng mga estudyante sa isang school bus.
Kahit na nakakaubos talaga ng pasensiya ang paghihintay, may maganda naman tayong magagawa habang naghihintay. Nalalaman ito ni Jesus nang sabihin niya sa Kanyang mga alagad na huwag umalis sa Jerusalem (GAWA 1:4). Hinihintay ng mga alagad noon na mabaustismuhan sila sa Banal na Espiritu (TAL. 5).
Nang magtipon sila sa silid sa itaas ng bahay, marahil, sabik ang mga alagad sa mangyayari. Tila nauunawaan nila na nang sabihin sa kanila ni Jesus na maghintay, kailangan pa rin nilang kumilos. Kaya naman, naglaan sila ng oras sa pananalangin at pumili ng bagong alagad na papalit kay Judas (TAL. 14, 26). At nang magkasama-sama sila para sumamba at manalangin, bumaba ang Banal na Espiritu na kanilang hinihintay (2:1-4).
Hindi lang basta naghintay ang mga alagad, naghanda rin sila. Tulad nila, huwag tayong mawalan ng pasensiya at maaari din tayong kumilos habang hinihintay ang tugon sa atin ng Dios. Maaari tayong manalangin, sumamba sa Dios at makisama sa mga kapwa natin sumasampalataya kay Jesus. Sa pamamagitan ng paghihintay, nagiging handa ang ating puso, isip at katawan sa mga mangyayari.
Manabik nawa tayo kapag sinabi ng Dios na tayo’y maghintay dahil alam natin na mapagkakatiwalaan ang mga plano Niya para sa atin!