Sino ang naiisip mo kapag binanggit ang salitang mentor o tagapagturo? Ang pastor naming si Rich ang naiisip ko. Naniniwala siya sa kakayahan ko at ipinakita niya kung paano maging mabuting tagapanguna. Dahil sa kanyang halimbawa, naglilingkod na ako ngayon sa Dios sa pamamagitan ng pagtuturo din sa iba.
Malaki rin ang ginampanang tungkulin ni Propeta Elias sa paghubog kay Eliseo bilang tagapanguna. Nang makita ni Elias si Eliseo na nag-aararo, tinawag niya ito at hinubad ang kanyang balabal at ipinasa kay Eliseo. Si Eliseo ang pinili ng Dios na papalit kay Elias (1 HARI 19:16, 19). Nasaksihan ni Eliseo ang mga himalang ginawa ng kanyang tagapagturong si Elias at kung paano ito sumunod sa Dios anuman ang mangyari. Si Elias ang ginamit ng Dios upang ihanda si Eliseo sa paglilingkod. Dumating ang panahon kung saan tatlong beses na binigyan ng pagkakataon ni Elias na iwan na siya ni Eliseo pero laging tumatanggi si Eliseo (2 HARI 2:2,4,6). Sinabi ni Eliseo kay Elias, “Habang buhay ang Panginoon, at habang buhay ka, hindi kita iiwan” (TAL. 6 ABAB).
Dahil sa katapatan ni Eliseo, ginamit din siya ng Dios sa napakadakilang mga gawain.
Kailangan nating lahat ng mga tagapagturo na magsisilbing halimbawa kung paano sumunod kay Jesus. Pagkalooban nawa tayo ng Dios ng mga tutulong sa atin para mas lalong tumibay ang ating pananampalataya. At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, nawa’y maging tagapagturo din tayo sa iba.