Makikita ang isang plake sa Boston na may pamagat na, Crossing the Bowl of Tears. Alaala ito ng mga matatapang na taga-Ireland na tumawid sa Atlantic Ocean para matakasan ang kamatayan noong 1840s. Dumaranas noon ang Ireland ng matinding taggutom. Mahigit isang milyon ang namatay dahil sa gutom at milyon din o higit pa ang iniwan ang kanilang mga tahanan para makatawid sa dagat. Tinawag ito ng manunulat na si John Boyle O’Reilly na bowl of tears o mangkok ng luha. Sa kanilang pagtawid, inasam nila na makasumpong sila ng pagasa sa gitna ng matinding paghihirap.
Sa Salmo 55, mababasa natin na naghangad din si David na makasumpong ng pag-asa. Tiyak na matindi ang dinaranas niya noon para maramdaman ang labis na bigat ng kalooban (TAL. 4-5). Dahil sa kanyang pinagdaraanan, nasabi niya, “Kung may pakpak lang ako tulad ng kalapati, lilipad ako at maghahanap ng mapagpapahingahan” (TAL. 6).
Tulad ni David, maaaring gusto rin natin na makatakas sa dinaranas nating paghihirap. Pero sa huli, pinili pa rin ni David na lumapit sa Dios sa halip na takasan ang problema. Sinabi ni David, “Ako ay humihingi ng tulong sa Panginoong Dios, at inililigtas Niya ako” (TAL. 16).
Sa tuwing dumaranas tayo ng pagsubok, tandaan natin na tutulungan tayo ng Dios na mapagtagumpayan ang mga ito. Ipinangako Niya na darating ang panahon na Siya mismo ang magpapahid sa ating mga luha (PAHAYAG 21:4). Dahil sa pangakong iyon, maipagkakatiwala natin sa Kanya ang ating mga nararanasang hirap sa ngayon.