Habang pinapanood namin ang anak naming babae na naglalaro ng basketball, narinig kong sinabi ng coach nila, “Doubles.” Pagkasabi niya nito, nag-iba ng istratehiya ang kanilang koponan. Sa halip na isa lang ang nagbabantay sa kanilang kalabang may hawak ng bola, dalawa na ang nagbantay. Dahil dito, hindi naipasok ng kalaban ang bola at napunta ang bola sa kanila.
Alam ni Solomon ang prinsipyong ito. Isinulat niya sa aklat ng Mangangaral na mas maraming magagawa kapag may kasama (4:9). Sinabi ni Solomon na madaling matalo ang isang tao kapag nag-iisa siya, pero mahirap namang talunin kung may kasama ito (TAL. 12). At kapag nadapa tayo, maitatayo tayo ng isang kaibigan (TAL. 10).
Nais iparating ni Solomon na hindi natin kailangang haraping mag-isa ang mga pagsubok sa buhay. Maaaring mahirap ito para sa iba dahil hindi sila komportable na ibahagi ang problema nila o ang iba nama’y nahihirapan na makahanap ng mga kaibigan na tutulong sa kanila. Anuman ang sitwasyon, hindi tayo dapat sumuko sa paghanap ng kasama dahil ito ang mas makabubuti.
Sumasang-ayon si Solomon at ang mga coach ng basketball na ang pinakamagandang istratehiya ay ang magkaroon ng kasama kapag humaharap sa mga kalaban sa laro o sa mga pagsubok sa buhay. Pasalamatan natin ang Panginoon sa mga taong ipinagkakaloob Niya sa atin upang palakasin ang ating loob at tulungan tayo.