Nang mamatay ang asawa ni Betsy, nagkulong lamang siya sa kanyang bahay at ginugol ang panahon sa panonood ng telebisyon at pag-inom ng tsaa. Pero hindi siya nag-iisa, mahigit 9 na milyong Briton ang nagsabi na lagi silang nalulungkot. Dahil doon, nagtalaga ang kanilang bansa ng isang ministro para sa mga nalulungkot. Layunin nito na malaman kung bakit sila nalulungkot at kung paano sila matutulungan.
May mga dahilan kung bakit tayo nalulungkot tulad ng madalas na paglipat ng bahay kaya hindi tayo nagkakaroon ng mga kaibigan. Masyado rin tayong nakatutok sa cellphone at nakakaligtaan na ang pakikipag-ugnayan sa ibang tao. Iniisip din natin na kaya nating alagaan ang ating sarili kaya walang dahilan para humingi ng tulong sa iba.
Mahirap ang maging malungkot kaya kailangan natin ang kapwa natin nagtitiwala kay Jesus. Sinasabi sa Hebreo 10 na huwag nating pabayaan ang ating mga pagtitipon (TAL. 25). Kabilang tayo sa pamilya ng Dios kaya magpatuloy tayo sa pag-iibigan bilang magkakapatid at huwag nating kalimutang patuluyin ang mga dayuhan sa ating tahanan (13:1-2). Kung gagawin ito ng bawat isa, mararamdaman natin na may nagmamalasakit sa atin.
Hindi tayo dapat tumigil sa pagpapakita ng kabutihan sa mga nalulungkot kahit hindi nila ito masuklian. Ipinangako ni Jesus na hindi Niya tayo iiwan o pababayaan (13:5). Nawa’y ang pakikipagkaibigan Niya sa atin ang mag-udyok para mahalin natin ang iba. Ikaw ba ay malungkot? Paano mo mapaglilingkuran ang mga kabilang sa pamilya ng Dios? Tandaan natin na mananatili magpakailanman ang pagkakaibigan ng mga magkakapatid kay Cristo.