Papasok na ako noon sa graduate school kaya kailangan kong lumipat ng lugar. Tumindi ang aking pagkabalisa dahil kailangan ko ring iwan ang trabaho ko sa lugar na iiwanan ko. Nakakatakot isipin na papasok ako ng eskuwela na walang trabaho. Sinabihan naman ako na maaari pa rin akong magpatuloy sa pagtatrabaho kahit nasa ibang lugar na ako. Tinanggap ko ito at naging payapa ang aking kalooban. Alam kong pinapangalagaan ako ng Dios. Ipinagkaloob Niya ang pangangailangan ko ayon sa itinakda Niyang oras.
Higit namang mahirap ang pinagdaanan ni Abraham at ng kanyang anak na si Isaac. Hiniling sa kanya ng Dios na umakyat sa Bundok Moria at ihandog si Isaac sa Kanya (GENESIS 22:1-2). Walang pag-aalinlangang sumunod si Abraham sa Dios at dinala si Isaac doon. Maaari namang magbago ang isip ni Abraham sa loob ng tatlong araw ng paglalakbay nila, pero tumuloy pa rin sila (TAL. 3-4).
Nang magtanong si Isaac sa kanyang amang si Abraham kung nasaan ang ihahandog, sinabi niya, “Anak, ang Dios mismo ang magbibigay sa atin ng tupang ihahandog” (TAL. 8). Tumindi rin kaya ang pagkabalisa ni Abraham habang ginagapos niya si Isaac at iniaangat ang kanyang patalim? Tila nabunutan siya ng tinik nang patigilin siya ng anghel sa paghahandog kay Isaac. At nagkaloob ang Dios ng ibang maihahandog ni Abraham, isang tupa na sumabit ang sungay sa sanga ng kahoy.
Sinubok ng Dios ang pananampalataya ni Abraham, at napatunayan ang kanyang katapatan. Tunay ngang nagkakaloob ang Dios sa tamang panahon (TAL. 9-14).