Noong 19 na taong gulang ako, humiwalay na ako ng tirahan sa aking ina. Minsan, maaga akong umalis at nakalimutan ko na tatawag ang nanay ko. Kinagabihan, may dalawang pulis na pumunta sa tinitirhan ko. Nag-alala pala ang nanay ko kaya kinausap niya ang mga pulis para tingnan kung ano ang nangyari sa akin. Ilang beses raw akong sinubukang tawagan ng nanay ko pero hindi siya makakonekta. Sinabi sa akin ng pulis, “Masayang malaman na hindi hihinto sa paghahanap ang nagmamahal sa’yo.”
Nang tatawagan ko na ang nanay ko, napansin kong nakaangat pala ang aking telepono. Pagkatapos kong humingi ng paumanhin sa kanya, sinabi niya na kailangan niyang ipaalam na ayos lang ako sa lahat ng mga sinabihan niyang nawawala ako. Pagkababa ko ng telepono, naisip ko na masyado atang pinalaki ng nanay ko ang pangyayari pero masarap sa pakiramdam na malamang mahal na mahal niya talaga ako.
Mababasa naman natin sa Biblia na ang Dios ay pag-ibig. Mapagmahal ang Dios at walang sawang hinahanap ang Kanyang mga anak na naliligaw. Tulad ng isang mabuting pastol, nagmamalasakit Siya at hinahanap ang bawat nawawalang tupa. Minamahal at pinahahalagahan ng Dios ang bawat anak Niya (LUCAS 15:1-7).
Hindi hihinto ang Dios ng pag-ibig sa paghahanap sa atin. Patuloy Niya tayong hahanapin hanggang sa bumalik tayo sa Kanya. Maaari nating ipanalangin ang ibang tao upang malaman din nila na hindi humihinto ang Dios sa paghahanap sa kanila.