Ang Ode Maritima ay isang tula na isinulat ng Portuges na si Fernando Pessoa tungkol sa pier. Sa tula, ang pier ang sumasagisag sa nararamdaman o inaasam ng mga tao. Lubos ang nararamdaman nating lungkot kapag may mahal tayo sa buhay na umaalis o nawawalay sa atin tulad ng pag-alis ng barko. Nalulungkot din tayo kapag may mga pangarap tayo sa buhay na hindi natin nakamit.
Ang saudade ay salitang Portuges na kung isasalin ay ‘inaasam’. Tumutukoy ito sa hindi maipaliwanag na lungkot na nararamdaman natin tungkol sa mga bagay na ating minimithi.
Noong nabubuhay pa si Moises, inasam niya na makarating sa lupaing ipinangako ng Dios sa mga Israelita pero hindi niya iyon narating. Pinagmamasdan lamang niya ang lupain mula sa Bundok ng Nebo. Sinabi sa kanya ng Dios, “Ipinakita Ko ito sa iyo, pero hindi ka makakapunta roon” (DEUTERONOMIO 34:4). Tila naging marahas ang Dios sa sinabi Niyang iyon kay Moises pero ang totoo, nais Niyang bigyan ng kaaliwan si Moises, “Iyan ang lupaing ipinangako Ko kina Abraham, Isaac at Jacob, at sinabi Kong ibibigay Ko ito sa kanilang salinlahi” (TAL. 4). Hindi magtatagal, iiwan ni Moises ang Nebo at paroroon sa langit na higit na maganda kaysa sa Canaan o ang lupaing ipinangako (TAL. 5).
Madalas, para tayong nasa pier kung saan iniiwan tayo ng ating mga mahal sa buhay at hindi natin nakakamit ang ating mga inaasam na pangarap. Sa kabila ng mga ito, hindi tayo dapat madismaya o mawalan ng pag-asa. Sa halip, isipin natin na may magandang lugar na naghihintay sa atin. Ang Dios ang makapupuno sa ating mga minimithi.