Minsan, sinuri ng aking guro sa pagpipinta ang aking iginuhit. Isa siyang magaling at propesyonal na pintor. Inaasahan ko na sasabihin niyang hindi maganda ang pagkakapinta ko pero hindi niya iyon sinabi. May karapatan siyang punahin ang aking gawa pero naging maayos ang pagsasabi niya ng mga dapat ko pang ayusin sa aking ipininta.
May karapatan naman si Jesus na pumuna sa tao dahil perpekto Siya. Gayon pa man, hindi ginamit ni Jesus ang 10 Utos para hatulan ang babaeng Samaritana na nakausap niya. Kahit makasalanan ito, sinabi lang ni Jesus ang nalalaman niya tungkol sa babae. Dahil sa banayad na pagsasalita ni Jesus, napagtanto ng babae na ang kanyang paghahanap ng kasiyahan ang naging dahilan para mahulog siya sa pagkakasala. Inihayag naman ni Jesus na tanging Siya lamang ang makapagbibigay ng tunay na kasiyahan na pang walang hanggan (JUAN 4:10-13).
Mararanasan din natin bilang sumasampalataya kay Jesus ang Kanyang kagandahang-loob at ang katotohanang magtutuwid sa atin tulad ng ipinakita Niya sa Samaritana (1:17). Ang Kanyang kagandahang-loob ang papawi sa panghihina ng ating loob dahil sa bigat ng ating kasalanan. Ang katotohanan naman ang magsasabi sa atin na hindi naman natin dapat balewalain ang kasalanan.
Maaari nating hilingin kay Jesus na ipakita sa atin kung saang aspeto pa ng ating buhay ang kailangan pang patatagin para mas matularan natin Siya.