Gumuho ang buhay ni Gerald sa loob lamang ng anim na buwan. Nalugi ang kanyang negosyo at namatay sa aksidente ang kanyang anak na lalaki. Dahil sa pagkabigla, inatake sa puso ang kanyang ina at namatay din. Nalugmok naman sa kalungkutan ang kanyang asawa at dalawang anak na babae. Walang magawa si Gerald kundi ang masambit ang mga sinabi ni David sa Salmo 22, “Dios ko! Dios ko! Bakit N’yo ako pinabayaan?” (TAL. 1).
Ang tanging dahilan kung bakit nakakapagpatuloy sa buhay si Gerald ay ang kanyang pag-asa na isang araw, ang Dios na bumuhay muli kay Jesus ang magbibigay sa kanya at sa kanyang pamilya ng walang hanggang kagalakan. Umaasa siya na diringgin siya ng Dios. Tulad ni David, determinado siyang magtiwala sa Dios sa gitna ng kanyang mga nararanasang pagsubok. Pinanghawakan niya ang pag-asang ililigtas siya ng Dios (TAL. 4-5).
Ang pag-asang iyon ang dahilan kaya hindi natinag si Gerald. Pagkalipas ng ilang taon, tuwing tinatanong siya kung kumusta na siya, sinasabi niya lang, “Nagtitiwala ako sa Panginoon.” Dahil nagtiwala siya, binigyan siya ng Dios ng lakas ng loob at ng katatagan para magpatuloy.
Unti-unting nakabangon ang kanyang pamilya mula sa pagsubok at ‘di naglaon, isinilang ang kanyang unang apo. Naging tapat ang Dios at hindi na niya itinatanong na, “Bakit Ninyo ako pinabayaan?” Sa halip, nasasabi na niya, “Pinagpala ako ng Dios.” Kung sa tingin nati’y gumuho na ang lahat, tandaan natin na may pag-asa pa.