Isang malaking teddy bear ang iniregalo sa aking apong si Baby D. Namangha si Baby D sa teddy bear at pinaglaruan niya ito. Niyakap niya rin ito nang mahigpit. Tuwang-tuwa ang apo ko habang yakap ang teddy bear. Hindi niya alam na walang kakayahan ang teddy bear na iyon na mahalin siya. Pero bilang isang inosenteng bata, naramdaman ni Baby D na mahal siya ng teddy bear at minahal niya rin ito nang buong puso.
Sa 1 Juan 4, mariing sinabi ni Apostol Juan na ang Dios mismo ay pag-ibig. Isinulat ni Juan na, “Kaya nakilala na natin at pinaniwalaan ang pag-ibig ng Dios sa atin. Ang Dios ay pag-ibig” (TAL. 16).
Mahal tayo ng Dios. Hindi Siya tulad ng isang teddy bear na walang buhay at walang kakayahang magmahal. Ipinakita ng Dios ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng pagaalay ni Jesus ng Kanyang buhay para sa atin (JUAN 3:16). Sa pamamagitan ni Jesus, ipinadama ng Dios ang Kanyang dakilang pag-ibig na marunong magsakripisyo alang-alang sa atin.
Sinabi pa ni Juan, “Umiibig tayo sa Dios dahil Siya ang unang umibig sa atin” (1 JUAN 4:19). Kapag naniniwala tayo na minamahal tayo, sinusuklian natin ito. Ang tunay na pag-ibig ng Dios ang nagbigay sa atin ng kakayahan para mahalin din natin Siya at ang ating kapwa nang buong puso.