Isang eroplanong papunta ng San Antonio ang nasiraan ng makina pagkaraan lang ng 20 minuto ng paglipad nito. May mga nalaglag na pira-piraso mula sa makina at tumama sa isang bintana ng eroplano. Marami ang nasugatan at may isang nasawi. Mas matindi pa sana ang mangyayari kung hindi pinangunahan ng isang kalmadong piloto ang sitwasyon. Sa katunayan, nang ibalita ito sa dyaryo, pinamagatan ito na, “Nasa Mabuting Kamay.”
Sa Salmo 31, inihayag ni David na alam niya ang tungkol sa kamanghamangha at mapagmalasakit na kamay ng Dios kaya buong tiwala niyang sinabi, “Ipinauubaya ko sa Inyo ang aking sarili” (TAL. 5).
Naniniwala si David na mapagkakatiwalaan ang Panginoon sa kabila ng mga hindi magagandang pangyayari. Kahit pa pinanghihinaan siya ng loob dahil sa banta sa kanyang buhay, hindi siya nawalan ng pag-asa. Sa gitna ng mga panggigipit sa kanya, panatag pa rin si David at may galak sa kanyang puso dahil ang Dios ang nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob (TAL. 5-7).
Maaaring dumaranas kayo ngayon ng iba’t ibang pagsubok sa buhay at hindi ninyo alam kung ano ang susunod na mangyayari. Sa kabila ng mga ito, isang bagay ang makatitiyak tayo, nasa mabuting kamay ng Panginoon ang mga nagtitiwala sa Kanya.