Noong 2005, may mga sumali sa isang online contest para maging bahagi sa isang exhibit na binuo ng London Zoo. Ikukulong sila sa zoo kung saan maaari silang panoorin ng publiko. Pinamagatan itong “Humans in Their Natural Environment.” Ang layunin ng exhibit na ito ay ang patunayan na hindi espesyal ang mga tao. Sinabi ng isa sa mga sumali, “Magiging paalala ito sa atin na hindi tayo espesyal kapag titingnan nila na para ding mga hayop ang mga tao.”
Salungat ito sa sinasabi sa Biblia tungkol sa tao. Ayon sa Biblia, kahanga-hanga ang pagkakalikha sa atin ng Dios at nilikha Niya tayo ayon sa Kanyang wangis (SALMO 139:14; GENESIS 1:26-27).
Mababasa natin sa simula ng Salmo 139 na ipinagdiriwang ni David ang katotohanang kilalang-kilala siya ng Dios (TAL. 1-6) at ang katotohanang laging naroon ang Dios saan man siya magpunta upang patnubayan at tulungan siya (TAL. 7-12). Tulad ng isang manghahabi, hindi lang basta hinugis ng Dios ang katawan ni David kundi binigyan Niya rin ito ng kaluluwa at espiritu na nagbigay kay David ng kakayahan na magkaroon ng ugnayan sa Dios. Lubos na nagpuri si David habang pinagbubulayan ang kamangha-manghang paglikha ng Dios (TAL. 14).
Tunay nga na espesyal ang tao. Kahanga-hanga ang pagkakalikha sa atin ng Dios kaya tayo’y natatangi. Binigyan Niya rin tayo ng kakayahan na magkaroon ng relasyon sa Kanya. Tulad ni David, purihin natin ang Dios sa kamangha-manghang likha ng Kanyang mapagmahal na kamay.