Sinabi ng aking mentor na maganda raw na paraan ang pag-aayuno para mas maituon ko ang aking atensyon sa Dios. Pero hindi naging madali para sa akin ang magtiis ng gutom. Nahirapan din ako na manangan sa Banal na Espiritu para magkaroon ng kapayapaan, lakas at lalo na ng pagtitiis. Napaisip tuloy ako kung paano kaya nagawang mag-ayuno ni Jesus sa loob ng 40 araw?
Matututunan natin ang kahalagahan ng pagkaing espirituwal sa pamamagitan ng pag-aayuno. Sinabi ni Jesus, “Hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng Dios” (MATEO 4:4). Pero sa naging karanasan ko, hindi nakapagpalapit sa akin sa Dios ang pag-aayuno.
Sinabi naman ng Dios sa mga Israelita sa pamamagitan ni Propeta Zacarias na walang saysay ang pagaayuno kung hindi naman talaga nila ito ginagawa para sa Dios (ZACARIAS 7:5) at kung hindi naman ito naging daan para makatulong sa mga mahihirap. Ang tunay na problema sa pag-aayuno ng mga Israelita ay hindi ang pagtitiis nila ng gutom kundi ang kanilang malamig na puso. Sa patuloy na paglilingkod lang sa kanilang mga sarili, hindi sila nagiging malapit sa Dios. Kaya naman, sinabi ng Dios na magpakita sila ng kabutihan at habag sa bawat isa (TAL. 9-10).
Ang maging mas malapit kay Jesus ang layunin ng anumang gawaing espirituwal. Kung patuloy nating tutularan si Jesus, matututunan nating mahalin ang mga minamahal Niya.