Mabigat ang dugo ni Lisa sa mga nangagaliwa sa kanilang asawa. Pero nagkaroon siya ng habag sa kanila nang dumating ang panahon na hindi na siya masaya sa kanyang buhay may-asawa at nahirapang iwasan ang namumuo niyang pagtingin sa ibang lalaki. Dahil sa mapait niyang karanasang iyon, mas naunawaan niya ang sinabi ni Jesus, “Kung sino sa inyo ang walang kasalanan ay siya ang maunang bumato sa kanya” (JUAN 8:7).
Nagtuturo si Jesus sa labas ng templo nang sabihin Niya iyon. Dumating ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang babae na nahuli sa pangangalunya. Sinabi nila kay Jesus, “Ayon sa Kautusan ni Moises, ang mga babaeng tulad niya'y dapat batuhin hanggang sa mamatay. Anong masasabi Mo?” (TAL. 5). Dahil itinuring nila si Jesus na banta sa kanilang pamumuno, itinanong nila ito upang makahanap ng maipaparatang sa Kanya (TAL. 6) para tuluyan na Siyang mawala sa kanilang landas.
Pero nang tumugon si Jesus, “Kung sino sa inyo ang walang kasalanan...” wala ni isa mga nagpaparatang sa babae ang pumulot ng bato at isa-isa na silang umalis.
Bago tayo humatol sa kasalanan ng iba na hindi tinitingnan ang sarili nating kasalanan, alalahanin natin na “ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Dios” (ROMA 3:23). Sa halip na hatulan ang babae, pinakitaan siya ni Jesus ng kagandahang-loob at binigyan ng pag-asa. Ganoon din ang ginawa ni Jesus para sa atin (JUAN 3:16; 8:10-11). Bakit hindi natin ito gawin para sa iba?