Noong 1963, huminto ang sinasakyang bus ni Fannie Lou Hamer sa Winona, Mississippi para kumain. Si Fannie ay aktibo sa pagsulong ng karapatang pantao. Siya at ang anim na pasahero na pawang mga itim ay sapilitang pinaalis ng mga pulis sa kainan. Pagkatapos, inaresto at ikinulong sila. Binugbog silang lahat at si Fannie ang labis na pinahirapan. Sa kabila ng brutal na pag-atake sa kanya, umawit siya tungkol sa pagkabilanggo nina Apostol Pablo at Silas. Sinamahan si Fannie sa kanyang pagawit ng papuri sa Dios ng kapwa niya bilanggo sa kabila ng mga iniinda nilang sakit ng katawan.
Mababasa natin sa Gawa 16 ang pagkulong kina Pablo at Silas dahil sa pangangaral nila tungkol kay Jesus. Hindi rin naging hadlang ang hirap na dinanas nila sa loob ng bilangguan, “Nang maghahatinggabi na, nananalangin sina Pablo at Silas at umaawit ng mga papuri sa Dios” (TAL. 25). Ang kanilang pagsamba ay naging pagkakataon para patuloy nilang maipangaral si Jesus, “ipinangaral nina Pablo ang salita ng Dios sa [guwardiya] at sa lahat ng miyembro ng kanyang pamilya” (TAL. 32).
Maaaring hindi natin mararanasan ang matinding paghihirap na naranasan nina Fannie, Pablo, at Silas. Pero kung haharap man tayo sa hindi magagandang sitwasyon, humingi tayo ng lakas mula sa ating tapat na Dios.
Nawa’y sa kabila ng paghihirap ay mapuno pa rin ng awit ang ating puso upang parangalan ang Dios at bigyan Niya nawa tayo ng lakas ng loob sa pangangaral ng tungkol sa Kanya.