Makikita sa London Parliament Square ang mga estatwa ng mga kilalang kalalakihan tulad nina Nelson Mandela, Mahatma Gandhi at Winston Churchill. Si Millicent Fawcett naman na nakipaglaban para sa karapatang bumoto ng mga kababaihan ang nag-iisang babae na may estatwa roon. Makikitang may hawak itong bandila na may nakasulat na, “Courage calls to courage everywhere.” Iginiit niya na ang pagpapakita ng katapangan ay makakapaghikayat na maging matapang ang mga mahihina ang loob.
Nang naghahanda naman si David na ilipat na ang trono sa anak niyang si Solomon, ipinaliwanag niya ang mga papasanin nitong responsibilidad. Marahil, natakot si Solomon na harapin ang mga ito; ang pangunahan ang Israel sa pagsunod sa mga ipinapagawa ng Dios, ang pagbabantay sa lupain na ipinagkatiwala sa kanila ng Dios, at ang pangunguna sa pagtatayo ng templo (1 CRONICA 28:8-10).
Alam ni David na pinanghihinaan ng loob si Solomon kaya sinabi niya rito, “Magpakatatag ka at magpakatapang...Huwag kang matakot o manlupaypay, dahil ang Panginoong Dios, ang aking Dios ay kasama mo” (TAL. 20). Magagawa lang ni Solomon na maging matapang sa sa pamamagitan ng pagtitiwala na kasama niya ang Dios.
Kapag nakakaranas tayo ng pagsubok, sinisikap nating maging matapang pero ang Dios lang ang makakapagpatatag ng ating loob at ng ating pananampalataya. Sasamahan Niya tayo at ito ang magbibigay sa atin ng tapang.