Lumaki ako sa isang simbahan na maraming tradisyon. Isa sa mga ito ay ang pagbibigay parangal sa mga namatay na mahal sa buhay. Iniuukit sa isang tansong plake o ipinipinta ang pangalan ng mga namatay at nakasulat ang, “Sa alaala ni...” Natutuwa ako sa mga ginagawa nilang ganito bilang pag-alala sa mga namatay pero naisip ko din na baka may maaari pang idagdag sa mga inukit na plakeng ito.
Sa Biblia, ninanais ni David na alalahanin ang kanyang namatay na matalik na kaibigan na si Jonatan. Nais rin niya na tuparin ang ipinangako niya rito (1 SAMUEL 20:12-17). Pero higit pa sa pagalaala sa pamamagitan ng plake o painting ang ginawa ni David para kay Jonatan. Hinanap niya ang natitirang buhay na anak ni Jonatan (2 SAMUEL 9:3).
Napakaganda ng ginawa ni David, pinakitaan niya ng kabutihan si Mefiboset alang-alang sa ama nitong si Jonatan. Sinabi ni David na ibabalik kay Mefiboset ang lahat ng lupain ng kanyang lolong si Saul, at inanyayahan niya rin ito na lagi nang kumain na kasama niya (TAL. 1, 6-7).
Maganda ang pag-aalala sa mga yumao nating mahal sa buhay sa pamamagitan ng mga plake at painting. Gayon pa man, nawa’y tularan natin ang ginawa ni David kung paano niya inaalala ang namatay niyang matalik na kaibigan. Magpakita rin nawa tayo ng kabutihan sa mga naiwan ng mga yumao nating mahal sa buhay bilang pag-alaala sa kanila.