Natuwa ang kaibigan kong manunulat sa kultura ng Indonesia nang magpunta siya roon. May kaugalian sila na tinatawag na gotong royong kung saan samasamang nagtutulungan ang bawat isa. Sama-sama ang mga taga probinsiya sa mga gawain tulad ng pag-aayos ng nasirang bubungan o tulay. Sabi ng kaibigan ko, “Sa mga lungsod naman, lagi din silang may kasama tulad ng pagpunta sa doktor. Iyon ang kaugalian nila para wala ni isa sa kanila ang mag-iisa.”
Totoo rin ito sa mga sumasampalataya kay Jesus sa buong mundo. Masayang malaman na hindi tayo mag-iisa kailanman. Ang Banal na Espiritu, na siyang ikatlong persona ng Dios, ang lagi nating kasama ngayon at kailanman. Higit pa sa isang tapat na kaibigan, ang Banal na Espiritu ay ipinagkakaloob ng Dios Ama sa lahat ng mga mananampalataya para sila’y tulungan (JUAN 14:16).
Ipinangako ni Jesus na darating ang Banal na Espiritu sa oras na lisanin Niya ang mundo. Sinabi Niya sa Kanyang mga alagad, “Hindi Ko kayo iiwan ng walang kasama” (TAL. 18). Hiniling ni Jesus sa Kanyang Ama na bigyan sila ng Tagatulong. Siya ang Banal na Espiritu na tagapagturo ng katotohanan. Mananahan ang Banal na Espiritu sa bawat isa na tatanggap kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas (TAL. 17).
Ang Banal na Espiritu ang tutulong, magbibigay ng lakas ng loob, ng kaaliwan at ng payo sa atin na mga mananampalataya. Sasamahan Niya tayo sa mundong ito kung saan malaki ang epekto ng kalungkutan sa mga tao. Nawa’y lagi tayong manangan sa Kanyang pagmamahal at tulong.