Sabik akong bumalik sa Montego Bay para bisitahin si Rendell na nasa isang pasilidad na nangangalaga sa mga may sakit. Dalawang taon na ang nakakalipas nang sumampalataya si Rendell kay Jesus. Si Evie na isang kabataang mang-aawit ang nagpahayag ng Magandang Balita sa kanya.
Pagpasok ko sa kuwarto ng mga kalalakihan, wala nang nakahiga sa higaan ni Rendell. Nalaman ko na namatay na pala siya limang araw bago ako makarating.
Naiiyak kong ibinalita kay Evie ang nangyari. Pero simple lang ang nasabi niya, “Nagsasaya na ngayon si Rendell kasama si Jesus.” Sinabi rin niya, “Mabuti na lang at nasabi natin sa kanya ang tungkol kay Jesus noong mga panahong iyon.”
Naging paalala sa akin ang mga sinabi ni Evie na mahalaga na laging maging handang ipahayag sa iba ang tungkol sa pag-asa na mayroon tayo kay Cristo. Hindi madali na ipahayag ang Magandang Balita tungkol kay Jesus na nangakong lagi natin Siyang kasama (MATEO 28:20). Pero nakakapagpalakas naman ng loob ang isipin na malaking pagbabago sa buhay ang magagawa sa atin at sa mga tulad ni Rendell ang pagpapahayag ng tungkol kay Jesus. Nawa’y mas maging masigasig tayo na ipahayag ang Magandang Balita saan man tayo magpunta (TAL. 19).
Hindi ko makakalimutan ang kalungkutang nadama ko nang makita ko na wala na sa higaan si Rendell. Pero hindi ko rin makakalimutan ang saya na malaman ang malaking pagbabagong nangyari sa buhay ni Rendell dahil sa isang masigasig na nagpahayag sa kanya ng tungkol kay Jesus.