Sa may labas ng lungsod ng Paris, may mga taong handang tumulong sa mga kasama nila sa komunidad na walang tirahan. Nagsasabit sila ng mga waterproof bag sa kalye na may lamang damit. Nakasulat sa bag na para ito sa sinuman na giniginaw. Hindi lang ang mga walang tirahan ang nakikinabang sa ginagawa nilang ito. Natututo rin ang iba na pahalagahan ang pagtulong sa mga nangangailangan sa kanilang komunidad.
Binibigyang diin din sa Biblia ang kahalagahan ng pagmamalasakit sa mga mahihirap. Itinuturo doon na maging lubos na mapagbigay sa mga nangangailangan (DEUTERONOMIO 15:11). Maaaring matukso tayo na balewalain ang kalagayan ng ibang tao at maging mahigpit sa pagkakahawak sa mga bagay na mayroon tayo sa halip na ibahagi ang mga ito sa iba. Pero hinihikayat tayo ng Dios na dahil laging may mga taong nangangailangan, dapat lagi tayong handang magbigay nang bukal sa kalooban (TAL. 10). Sinabi ni Jesus na makakaipon tayo sa langit ng kayamanan na hindi maluluma o mauubos kung tutulong tayo sa mga mahihirap (LUCAS 12:33).
Maaaring hindi kilalanin o malaman ng iba ang pagtulong natin maliban sa Dios. Gayon pa man, kapag bukal sa loob ang ating pagbibigay, hindi lang natin natutulungan ang iba sa kanilang pangangailangan, mararanasan din natin ang kagalakan na nais ng Dios na maranasan natin.
Humingi tayo ng tulong sa Dios na buksan ang ating mga mata at ang ating kamay upang tulungan ang mga nakakasalamuha natin na nangangailangan.