Naglalakad ang mag-asawang sina Juan at Maria sa kanilang lupain nang may mapansin silang isang kinakalawang na lata na nakabaon sa lupa. Kinuha nila ang lata at binuksan sa kanilang bahay. Nadiskubre nila na naglalaman ito ng mga gintong barya na halos isang daang taon na. Bumalik sila sa lugar kung saan nila ito nakita at nakahukay pa sila ng maraming lata. 1,427 pirasong gintong barya ang lahat na nakuha nila. Itinago nila ito at muling ibinaon sa ibang lugar.
Ang kuwentong ito ay may pagkakatulad ng ikinuwento ni Jesus. “Ang kaharian ng Dios ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nang mahukay ito ng isang tao, itinago niya itong muli. At sa tuwa niya'y umuwi siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian, at binili niya ang bukid na iyon” (MATEO 13:44).
Nakakamangha ang mga kuwento tungkol sa mga nahukay na kayamanan. Pero hindi ito katulad ng kayamanang iniaalok sa atin ng Dios. Ang kayamanang iniaalok Niya ay makakamit ng mga taong nagsisisi sa kanilang mga kasalanan, nagtitiwala kay Jesus at sumusunod sa Kanya (JUAN 1:12).
Nalalaman natin ang tunay na halaga ni Cristo sa ating buhay kapag sumusunod tayo sa nais ng Dios para sa atin. Ipinakita sa atin ng Dios “ang hindi mapapantayang kasaganaan ng biyaya Niya at kabutihan na ibinigay Niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus” (EFESO 2:7). Walang kapantay ang kayamanang ibinibigay sa atin ng Dios. Tinanggap Niya tayo bilang Kanyang mga anak. Binigyan Niya rin ng kabuluhan at kasiyahan ang ating mga buhay.