May napansin ang dalubhasang si Edmund Jaeger sa disyerto ng Mojave na matatagpuan sa Amerika. Minsan lamang sa loob ng ilang taon umuulan sa disyertong ito. Matapos ang mga pag-ulan, namumukadkad ang mga halaman at nababalutan ang disyerto ng magagandang bulaklak. Pinatunayan ng mga siyentipiko na kailangang mabasa ng ulan ang disyerto paminsan-minsan at mainitan ng araw bago lumabas ang namumukadkad na mga bulaklak.

Naipapakita sa pangyayaring iyon ang pagbibigay buhay ng Dios kahit sa isang tuyong lupain. Naipaalala naman nito sa akin ang sinabi ni Propeta Isaias ang tungkol sa pag-asang darating pagkatapos ng paghuhukom ng Dios sa mga bansa (ISAIAS 35). Inilarawan ni Isaias kung paanong isasaayos ng Dios ang lahat ng bagay.

Sinabi niya, “Ang disyerto ay matutuwa na parang tao. Mamumulaklak ang mga halaman dito” (T. 1). Sinabi pa niya na papasok ang mga taong iniligtas ng Dios sa Kanyang kaharian na “masiglang umaawit ng pagpupuri. Paghaharian sila ng kaligayahan. Ang lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman” (T. 10 MBB).

Tiyak na tutuparin ng Dios ang Kanyang mga ipinangako. Hindi mananatiling parang isang tuyong lupa ang ating buhay dahil aayusin Niya ito at pasasaganain. Kaya naman, mamuhay tayo ng tulad ni Jesus at ipagkatiwala sa Kanya ang ating buhay. Makakaasa tayo sa pag-ibig ng Dios hanggang sa muling pagbabalik ni Jesus para ayusin ang lahat ng bagay.