Minsan, bago kami magsimula sa aming sama-samang pananalangin bilang mga nagtitiwala kay Jesus, napag-usapan namin ang napakagandang bilog na buwan noong nakaraang gabi. Kasama namin ang isang matandang babae na lubos ang pagpapahalaga sa magagandang nilikha ng Dios. Kaya naman, sinabi niya sa amin na huwag naming palampasin ang pagkakataon na ipakita sa aming mga anak ang magandang bilog na buwan.
Para sa akin, maitutulad ko ang matandang babae sa mga sumulat ng Awit sa Biblia. Parehas kasi nilang pinapahalagahan ang mga nilikha ng Dios. May sinabi si Haring David sa kanyang awit tungkol sa kagandahan ng mga makikita sa kalangitan. Sinabi niya, “Kahit na walang salita o tinig kang maririnig, ang kanilang mensahe ay napapakinggan pa rin sa buong daigdig” (SALMO 19:3-4).
Hindi ipinaparating ng matandang babae o ni David na sambahin ang mga bituin at ang buwan. Sa halip, hinihikayat nila tayo na sambahin ang Dakilang lumikha ng mga iyon. Ipinapakita kasi ng kalangitan ang kadakilaan ng Dios (TAL. 1).
Maaari din naman nating mahikayat ang iba na tumigil sandali at pansinin ang kadakilaan ng Dios sa Kanyang mga nilikha. Mapapapurihan natin ang Dios sa mga gawa ng Kanyang kamay. Huwag nating palampasin ang pagkakataon na makita ang mga nilikha ng Dios.